Episode Three: H4 (Hataw! Hanep! Hero 3, Hirit Pa!)
December 2, Sunday. Before 7:00 am, nagising ako sa tawag sa cellphone ni pinoy_big_narutonian. Tinanong kung anong oras kami makakarating sa SMX. Baka mga 10:00 am pa ang labas namin sa "batcave". After that, inusisa ko ang sala. Wala pang gising, kaya umidlip ulit ako.
7:30 am, nagpasya na akong bumangon. Isinangag ko ang natirang kanin mula kagabi. Nakapagsaing si Sanzo dahil kinulang sa kain. Ginising ko na rin si Sanzo, pero wala pa palang lutong ulam. Mabuti na lang at ilang sandali ay gumising na rin si tetsu. Sabi niya, na ang mga meatballs ang iulam namin. Diskarte na lang namin kung anong istilo ang gagawin namin. Isinangkap namin ang meatballs mula sa kung ano ang nasa cabinet nila. Toyo at ketchup, konting tubig, presto! Makremang meatballs pantapat sa sinangag sa almusal. Tulad ng sa unang araw ng H3, dinamihan ulit namin ng kain para makatagal kami sa day two.
8:30 am, nanood ulit kami ng TV, sa ABS-CBN 2 Hero Zone. Plug pa rin nila sa TV ang H3.
Bandang 9:00 am, ligo ulit ang inyong lingkod. Then sunod si Sanzo. Hindi muna agad kami nagbihis. Hindi kasi pupunta sina tetsu at ascoth sa Day Two. Si jinademaru ang sasama sa amin papuntang SMX. Nagload ako ng PHP 10 sa aking cellphone at bumili ng kendi, makukutkot ko sa biyahe.
Mula nang bumangon ako hanggang sa dumating si jinademaru, panay ang text sa akin ni PBN. Kasi limitado ang oras niya sa H3. Magkikita kasi kami sa unang pagkakataon, tulad ng naging pagkikita namin kina jin, tetsu, ascoth, Jamibu at -KiRa-.
Bandang 10:00 am, nagbihis na kami ni Sanzo. After that, umalis na kami. Nagpaalam at nagpasalamat na rin kami kina tetsu at ascoth sa 3 araw naming pananatili doon. Hindi na kasi kami maihahatid pauwi sa San Pablo City. Kaya bitbit na rin namin mga goodies namin from Day One ng H3. Sakay sa jeep, MRT at taxi kami papuntang SMX.
Bandang 12:00 nn, dumating na kami sa SM Mall of Asia. But this time, dumiretso na kami sa SMX. Tulad ng inaasahan, walang sumalubong na pila sa labas. Agad kong inihanda ang aming mga ticket sa pagpasok.
Pagpasok namin sa loob ng SMX, kapansin-pansin ang dami ng tao. Talaga ngang apektado ang dami ng tao sa nakalipas na H3 kapag sumapit ang Linggo. Registration ulit kami para makakuha ng goodies. MYX Magazine ang aming natanggap. Ilang minuto ang nakalipas, ipinakilala ni jinademaru sa amin si pinoy_big_narutonian. Nagkuwentuhan kami at nagpasyang bumabad sa harap ng stage ng H3. Balak nga naming makapanood ng maayos sa stage, pero dahil nga sa dami ng tao noong Day One, hanggang tanaw lang ang kinaya namin. Animesing Music Showdown ang contest ng time na iyon.
Sinawimpalad ang aming dalang camera. Naubusan ng lakas ang aming baterya. Kaya nagpasya akong bumili na ng bago. Pero wala na pala akong tagong pera. Hihingi na lang ako ng pambili kay jin. Bahala na, kaysa hindi maubos ang film ng camera namin, ito ang nasa laman ng isip ko.
Agad kong nakita si jin. May kausap na girl. Siya pala si pinacolada_neko. Natuwa na naman ako at may nakilala na naman ako from ZOH. Ipinakita ni neko-chan ang kanyang mga pambihirang koleksyon ng Eldoran Series. Talagang namangha ako sa kanya at sa kanyang mga koleksyon, panatiko talaga siya ng Gamburagar, Gosaurer at Raijin-Oh. Nabanggit ni neko-chan sa akin na may isa pang installment ang naturang series, kaya lang hindi na ito tinangkilik sa Japan dahil sa "madugong" mga detalye nito.
Nakahiram naman ako ng PHP 20 kay jin. Agad naman akong nagpatatak sa bantay ng exit door, para matiyak na wala akong aberya kapag nakalabas ako ng SMX, as well as makabalik ako sa loob.
Bandang 1:00 pm, pumasok ako sa loob ng SM Mall of Asia... nang mag-isa. Target ko ngang makabili ng bagong pares ng baterya para makabalik agad ako sa SMX. Nang makakita na ako ng photo shop (hindi Adobe, LOL), agad kong hinanap ang bateryang kailangan ko. NGAK! Hindi ko akalaing mahal ang baterya. Agad akong lumabas para makabalik sa SMX. Pero may problema, hindi ko na alam ang daan palabas. Hehehe, naligaw na yata ako. Hanap ko ang site map, sinikap ko na matagpuan ang daan pabalik. Medyo mahilu-hilo pa ako mula sa mahabang biyahe.
Bago sumapit ang 2:00 pm, nagawa ko ring matagpuan ang daan pabalik. Pagpasok ng SMX, hanap ko si Sanzo. Akala ko, hindi na kami makakabili ng baterya, hindi na mauubos ang aming film sa camera. But thanks to jinademaru, binigyan si Sanzo ng pera para pagkain namin sa loob ng SMX. PHP 50 na ang hawak ko, labas ulit ako ng SMX. But this time ay sa ibang ruta na ang aking dinaanan. Tinandaan ko ang bawat daan at hagdang tinapakan ko. Sa SM Hypermarket na ako nakabili ng baterya. Ang sukli, piso. Balik agad ako sa rutang dinaanan ko pabalik sa SMX. Nasa Group Cosplay na ang contest sa stage. Niload namin ni Sanzo agad ang baterya.
Para makapag-uwi kami ng marami-raming mga goodies, sumabak si Sanzo sa isang contest. Si Sam (host ng Animenutes) ay emcee ng time na iyon. 5 boys at 5 girls ang umakyat sa stage, kasama si Sanzo. Ang contest... On the spot Voltes V dance contest. Ipinaramdam ko kay Sanzo through a thumbs-up sign na magagawa niya ang contest. Komento ni Sam sa sayaw ni Sanzo, parang Manouvers ang kanyang moves. Lahat naman ay nanalo ng loot bag. Chalk Magazine ang laman.
Ilang minuto lang, agad kaming natagpuan ni Jamibu. Umalis muna si Sanzo para magbanyo at bumili na rin ng makakain. Siya namang pagpasok nina JM Rodriguez at Nancy castilliogne. Tungkol naman ito sa E-Games. May trivia contest naman sila. Magbigay daw ng isa sa mga larong pinablish ng E-Games. Hindi na ako nagdalawang-isip. After ng go signal, kidlat-bilis akong pumunta sa unahan ng stage. Kay JM ako tumingin, pero ang mic ni Nancy ang nakatutok sa labi ko. Agad akong sumagot, "Ran Online!" Panalo ako ng loot bag mula sa E-Games. Ang laman ay mga CD installers ng mga larong Ran Online, Supreme Destiny at Dance Battle Audition, 2 notepad at DBA poster. Gulat na gulat si Jamibu sa bilis ng mga pangyayari. Ngiti naman si Sanzo sa pagkapanalo ko. Pagkatapos naming kumain ng Pillows na kanyang binili ay pinakiusapan namin sa kanya na guwardiyahan ang puwesto naming tatlo. Kukuha ulit kami ng litrato sa mga astiging cosplayers na makikita namin.
After few minutes, balik ulit kami sa pwesto. Sinaksihan namin ang dubbing contest. Si Pocholo Gonzales ang naging host ng naturang contest. Si pinacolada_neko ay kasali sa naturang event. Pasok din siya sa final event. Pero ito ang naging pinaka-wild na part na napanood ko. On the spot kasi ang final part. Ang dalawa sa mga finalists ay si Senator Trillanes. Hiyawan to the max ang mga manonood.
Sumabak ulit si Sanzo sa isa pang on the spot contest. Pero nabiktima na siya, dahil dance moves (actually, karate moves) naman siya sumabak. Part kasi ito ng endorsement ng isa sa mga food booths doon.
Awarding ceremonies na ang sumunod. Malakas pa rin ang hatak ni "Hard Gay" sa mga manonood. Si Daryl (na binabanggit ni Mamaru) ay nanalo din sa Ohayoo Hero division. Matunog din ang crowd sa batang cosplayer na Conan Edogawa (with Inspector Megure). Nanalo din ang Shige-Shige Sputnik sa kanilang skit. Ginawaran din ang mga nanalo sa Animesing Music Showdown at sa dubbing competition.
Bago mag-8:00 pm, bilang pagtatapos (well for the most na pumunta), nagperform naman ang Sponge Cola ng 3 kanta. Bitiw at Nakapagtataka ang natandaan kong kanta. Muntik ko palang makalimutan, sina VJ Drei at VJ Sanya ng MYX ang naging main host ng araw na iyon.
After ng performance ng Sponge Cola, naghanap ako ng mapagkukunan ko ng H3 poster. Wala kasi ito sa loot bag ko. Bago pa man matapos ang araw ay nagkaka-kuhaan na ng mga H3 poster na nakadikit sa mga booths. Mabuti na lang at nakakuha ako ng isa. Bago namin lisanin ang SMX, nagpakuha ako ng litrato kay Sanzo sa mismong stage. Paglabas namin ay naroon at naghihintay sina Jamibu at jin. Sa entrance naman ng SMX, kinuhanan ko naman si Sanzo. Sa daan namin palabas, kinuhanan ko ang buong SMX. Ito na ang litratong nagsasabing tapos na ang misyon namin sa Maynila.
Sakay sa jeep at MRT ulit kami. Nauna nang bumaba sa MRT si Jamibu. Nagpasalamat naman kami sa kanya. Sa istasyon naman sa Cubao na kami bumaba. Kumain muna kami ng hapunan. Longganisa ang ulam ni Sanzo, adobo naman ang sa akin.
Inihatid na kami ni jin hanggang sa bus terminal na halos tanaw namin ang Araneta Coliseum. Nakakahiya man, pero sinagot na niya ang aming pamasahe pauwi. Nagpaalam at nagpasalamat ulit kami sa kanya, dahil 3 araw niya kaming sinamahan sa Maynila.
Hindi pa umandar ang bus pagsakay namin. Naghintay muna kami ng ilang sandali at may mga sumakay nang ilang pasahero. Pinakiusapan kami na bantayan muna ang kanilang mga dala. Ilang minuto ang lumipas, kasabay ng pagbalik ng 2 matandang babae, sinabi na ng tsuper ng bus, bibiyahe na ang bus.
Bandang 9:00 pm na, umandar na ang bus biyaheng Lucena. Dito na kami sumakay dahil dadaan din ito sa San Pablo City. Inalok kami ng katabi naming pasahero ng tuna sandwich. Kumuha kami at nagpasalamat din. Hindi ko ramdam ang pagkahilo at pagkabagot dahil bukas ang TV at ilang sandali ay binuksan naman ang DVD player para magpatugtog ng mga kanta. Nakikanta na rin kami. Habang daan ay nagtext na kami sa aming pamilya sa San Pablo, na kami ay uuwi na ilang oras mula ngayon.
Bago mag-11:00 pm, maambon na nang dumating ang bus sa San Pablo City. Hindi pa kami agad umuwi. Dumaan muna ako sa panaderya para bumili ng pandesal, habang si Sanzo ay dumaaan sa aming "homebase" para kamustahin ang mga tao sa loob.
Hindi na kami tumagal sa homebase. Pagkatapos na naming magpahinga ng ilang sandali, lumabas na kami at nilakad ang daan papunta sa aming bahay.
Ang aming bahay na naging "starting line" ng aming pakikipagsapalaran ay siya rin naging "finish line" ng aming masayang karanasan sa Manila... ng aming masayang karanasan sa unang pagsabak namin sa Hataw! Hanep! Hero.
HINDI PA TAPOS ANG AMING BLOG SERIES...
No comments:
Post a Comment