[Ang Marmalade Boy (left) at ang Maria-sama ga Miteru (right). Ang dalawang sa maraming anime na hanggang ngayon ay hindi pa nadudugtungan ang pagpapalabas nito sa Local TV]
*****
Usapang “Unfinished Business” pa rin tayo. But this time, mga Pinoy anime otaku naman ang mag-uumpukan sa isyung aking ilalahad.
Magmula nang ako ay maging mapanuri sa mga balita at isyu tungkol sa industriya ng anime at dubbing sa Pilipinas, ang naging pinaka-reklamo ng mga anime fans ay ang paputol-putol na pagpapalabas ng mga episodes ng isang anime.
Una ko na itong inilahad sa aking flagship blog noong taong 2005. At mula sa araw na iyon, malinaw ang takbo ng progreso. NAPAKABAGAL.
Nariyan ang IBC 13 at ABC 5 sa kaso ng pinakamaraming anime series na hindi nila nagawang matapos ipalabas ang lahat ng mga kabanata nito. Mapa-English-dubbed o Tagalog-dubbed, nabigo silang ibigay sa kanilang mga manonood ang konklusyon ng mga anime na kanilang palabas.
Sa kaso naman ng mga major networks, nakakitaan din sila ng record ng unfinished airings.
Para sa ABS-CBN 2, noon ang anime na Naruto ang pinaka-tinututukan ng mga Kapamilya anime fans. Dahil sa kasikatan nito, hindi siguro naiwasan ng ilang manonood na magreklamo dahil sa naging record nito noon. Noong panahong nag-uumpisa ang Naruto sa ABS-CBN 2, kasalukuyang palabas ito sa Japan. Pero naging masipag naman ang mga taong nasa likod ng Tagalog-dubbed anime na ito. Sa kasalukuyang taong ito ng 2008, natapos nila ang buong serye at pinagtutuunan naman nila ng pansin ang Naruto Shippuden. Ganun din ang kaso sa Yu-Gi-Oh! Duel Monsters na ipinalabas noong December 2003 at hindi na ito nagawang makabalik pagkatapos ng season 2. Pero nagawa naman itong dugtungan at matapos sa tulong ng Hero TV at naipalabas ang kabuuan nito sa Studio 23. Kabilang din ang Mirmo De Pon sa kasong ito.
Para naman sa GMA 7, may mga anime din ang nasa listahan ng negatibong impression ng mga Kapusong anime fans. Nariyan ang Detective Conan na sa kasalukuyan ay umabot sa season 3 at ang Pokemon na umabot naman sa Johto League Champions. Kapwa ang dalawang anime na ito ay nakapag-ere ulit simula noong isang taon. Ang Hunter X Hunter naman na naging sikat noong 2002 ay wala pa ring improvement mula nang ipalabas nila ang Greed Island OAV. Nakatiwangwang pa rin ang Greed Island Final OAV. Ang One Piece naman ay umabot sa season 3. Kamuntikan na rin sa listahan ang Striker: Hungry Heart at Sorcerer Orphen kung wala ang tulong ng QTV 11.
Speaking of QTV 11, ang nagsilbing “flagship anime” na The Prince of Tennis ay nakatakdang ipalabas ulit ngayong Abril. Sa kasalukuyan, palabas ito sa Hero TV ay mahaba-haba na rin ang nadudugtungan nito.
Pero wala na sigurong mainit na usapan ng mga Pinoy anime fans ang isyu ng pagkakatanggal ng dalawang anime na ito - ang Marmalade Boy ng GMA 7 at ang Maria-sama ga Miteru ng ABS-CBN 2.
Maipagmamalaki na sana ng ABS-CBN 2, maging ng mga Kapamilya anime fans ang pagpapalabas ng Marimite. Ayon kasi sa Wikipedia, ang bansang Pilipinas (sa pamamagitan ng ABS-CBN 2) ang kauna-unahang bansa sa labas ng Japan na nagpalabas ng Marimite. Kung inyong natatandaan, palabas ito tuwing Sabado ng umaga. Pero natanggal ito sa ere noong Abril at hindi pa man umabot sa katapusan. Walang opisyal na pahayag ang ABS-CBN 2 kung bakit nila ito tinanggal kung bakit, pero usap-usapan sa mga online forums ang mga sensitibong tema ng anime kaya hindi na ito ipinapalabas hanggang ngayon. Sa kasalukuyan, palabas ang Marimite sa Animax Philippines at umabot na ito sa kanilang OAV series.
Ang Marmalade Boy naman ang masasabi kong hindi nabigyan ng makatarungang paglalagay ng tamang timeslot. Una ko na itong tinalakay sa flagship blog ko noong taong 2005. Noon pa man ay nakita ko na ang posibleng epekto nito, ang temang hindi pa kayang hawakan ng mga batang-batang manonood. Kasi naman, 8:30 am ba naman inilagay ang naturang anime na ito. Mukhang hindi pa nalalaman ng dubbing firm na nasa likod nito ang naging problema ng pagpapalabas ng anime na ito. Pero sana sa malawak kong pamamahayag, makaabot sana ang panawagan ko na muling ipalabas ang Marmalade Boy sa tama at maayos na timeslot.
Kailan kaya natin muling mapapanood at maririnig sa boses-Tagalog ang Marimite? Hihintayin pa kaya ng ABS-CBN na matapos ang kabuuang series nito?
Kailan naman kaya muling mapapanood ang Marmalade Boy? O higit pa dito, saan muling mapapanood ang MB?
Sana makarating sa kinauukulan ang panawagan ng mga Pinoy anime fans ang kahilingang halos 3 taon na ang nakalipas.
No comments:
Post a Comment