Friday, September 12, 2008

Kapuso, Walang Karapatang Ma-insecure! - “Lost Viewers”

Walang kaduda-duda, maraming mga manonood na Kapamilya at Kapuso ang nagrerebelde sa mismong mga kampo nila. Iyan ay dahil marami silang nakikitang mga problema, pagkakamali at mga kasalanan ang ginagawa ng GMA 7 at ABS-CBN 2 sa kanilang mga tatawagin nating mga “lost viewers”.

Nitong mga nakaraang araw, nabalitaan na natin na ang bagong bihis na TV5 ay pumapangatlo na sa mga pinaka-pinapanood na mga TV channels sa buong bansa. Ito ay base sa Nationwide Urban Television Audience Measurement o NUTAM ng AGB Nielsen Media Research mula August 10 to 16, 2008, kung saan ito ang mga naging unang araw ng pagsasahimpapawid ng TV5. Malinaw lang na nagawa ng TV5, sa ilalim pa rin ng mga ehekutibong sina Tonyboy Cojuangco at Christopher Sy at ng buong Associatied Broadcasting Company na muling bumalik sa komportableng ikatlong puwesto sa loob lamang ng isang linggo. Isang bagay na hindi inaanunsyo ng QTV 11 o ng Studio 23, na kapwa hawak ng GMA at ABS-CBN sa panahon ng kanilang pag-ere.

Base sa mga talakayang aking nababasa sa PinoyExchange.com Forums, hindi nababahala ang mga Kapamilya viewers sa development na ito. Sa katunayan, ayon sa pahayag ni Mr. Leo Katigbak, na kilala noon na namamahala sa Studio 23, welcome na welcome para sa kanila ang muling pagbangon ng TV5. Ito ay isang hamon para sa kanila para sa anumang mga hakbang o pagbabagong kanilang gagawin para sa mas ikagaganda ng Studio 23.

Samantala, nagpapakita naman ng insecurity at pagkabahala ang mga Kapuso viewers sa naging resulta ng NUTAM ratings. Baka nga naman kasi, anumang araw ay maaagaw sa GMA 7 ang ikalawang puwesto. Nauna nang nagpahayag ang TV5 na target nilang maging number 2.

Sa pananaw ng mga “lost viewers” ng kapwa ABS-CBN 2 at GMA 7, walang karapatang ang mga rabid, uber at mga extreme Kapuso viewers na mainsecure sa pagiging no. 3 ng TV5.

Kung ayaw ng mga rabid, uber at extreme Kapuso viewers na tawagin sila ng taumbayan na “insecure”, kailangan nilang harapin at sagutin ang mga problema, pagkakamali at kasalanan na matagal na nilang ginagawa sa kanilang paboritong istasyon. Maging ang mga Kapamilya viewers ay kailangan din nilang bigyang-pansin ang mga puntong ito dahil sila din ay nakakaranas ng ganitong aberya, dahilan para ang karamihan sa kanilang mga viewers ay nagsasawa na, o di kaya ay “naliligaw” na ng landas at ang iba ay nakakita ng kasiyahan sa TV5.

Mula umaga hanggang gabi, sa bawat patalastas ay hindi nawawala ang mga pluggings ng kanilang mga primetime bets (namely Primetime Bida at Telebabad, maging ang GoBingo clips). Kaya lubhang nakakabahala ang agwat ng mga nanonood sa mga naturang mga programa at ng mga nanonood sa iba pang mga shows na hindi primetime. Kaya ang karamihan sa mga viewers ay nanonood ng mga primetime shows na ang totoo ay hindi talaga ito ang hilig ng mga ito. Malaking halimbawa na lamang ang mga bata at mga anime fans, na sa halip na anime ay napipilitan silang manood ng mga telenobela at mga Asianovelas na malinaw na hindi angkop sa kanila. Ito ay resulta ng matagumpay na pang-uudyok ng ilang mga empleyado ng mga Entertainment at Foreign Programs Acquisition department na huwag nang kumuha o huwag nang magpalabas ng anime sa afternoon timeslot at sa halip ay kumuha o magpalabas na lamang ng mga Asianovelas sa mga timeslots na dapat ay sa anime.

Tanggapin man ng mga rabid, uber at mga extreme Kapamilya at Kapuso viewers ito o hindi, malaking kalokohan at kasayangan ng pera ang paggawa ng mga Pinoy versions ng mga international properties. Putting the reality shows aside, pero ang mga katulad ng Zaido, Marimar, My Girl, Betty La Fea, Lalola at isang malaking katangahan, katawa-tawa at kabulastugan. Bagamat laging ikinakatwiran ng GMA 7 at ABS-CBN 2 na gusto nilang lagyan ng Pinoy accent ang mga nabanggit na mga palabas, tunay ang kanilang layunin nilang malihis, kontrahin, pasinungalingan at palakihin ang disenteng kuwento ng mga orihinal na pag-aaring ito.

Tunay na nakakalungkot na isa pang dahilan kung bakit may mga manonood silang umaalis sa GMA 7 at ABS-CBN 2 ay dahil sa malinaw na hindi tinutugunan ng mga TV networks na ito ang mga kahilingan, hinaing at reklamo ng mga kanilang mga viewers, lalo na sa mga anime fans. Bagamat may mga telepono, snail mail, e-mail at kahit mga online forums ay bukas para rito, hindi naman ito nakakarating sa mga kinauukulan.

Totoo ngang mas prayoridad ng ABS-CBN at GMA na kumita ng malaki (kung hindi limpak-limpak,ay milyon-milyon) kaysa pagbigyan ang kahilingan at kasiyahan ng mga manonood, lalo na ang mga anime fans.

No comments: