ANIME KABAYAN's NOTE:
The MORAL LESSON in the following blog entry/story is "Bawal magdala ng baong pagkain sa loob ng anime convention". For details, read further...
November 21, Friday.
10:00 am. Unang araw ng H3. Hindi na kami nakapunta sa araw na iyon dahil alam naming karamihan sa mga gustong pumunta ng H3 (na karamihan ay taga-Maynila) ay kontra sa kanilang schedule ng kanilang klase at trabaho. Muli kaming nag-online upang masiguro namin ni Sanzo na HINDI KAMI MALILIGAW sa biyahe namin mula San Pablo City hanggang Ortigas, Pasig City at pabalik.
4:00 pm. Mula sa text ng aming kapatid na babae, inalok ako ng aming dadalhing tanghalian sa Pasig City. Marami akong pinapilian, pero hindi ako makapagpasya. Nag-reply ako na tocino na lang ang aming dadalhin. Baka daw kulang sa amin iyun, reply ni Ate. Kaya sumagot ako, "Bahala na po kayo".
8:00 pm. Pagkatapos naming manood ng mga anime sa TV5 ay nag-umpisa na kaming mag-impake ng mga dadalhin para sa H3. Ang scheme ni Sanzo, pagdating namin sa Silver City ay isuot namin ang aming Hot FM shirt noong panahong DJ pa kami noon. Hindi naman ako tumutol. Iba naman ang aming t-shirt sa pagbiyahe namin sa bus. Ibang sweater ang isusuot ni Sanzo samantalang ang gamit kong jacket last year ay siya ring bihis ko this year.
9:30 pm. Pagkatapos naman ng isang oras na pakikipagbaraha kay Tatay ay muli kaming lumabas ng bahay para makapag-online ng 30 minutes. Ito ay dahil sa inappoint na ako ng Hero TV Ning Site sa pamamagitan ng mga administrators mula sa Creativoices bilang Head Moderator. Ibinigay ko sa kanila ang aking cellphone number, baka sakaling may mga paalala sila sa akin tungkol sa H3.
10:30 pm. Pagkatapos naming manood ng Shaider, hindi pa rin namin maiwasang uminom ng cold coffee at biskwit ni Sanzo bago matulog. Ito kasi ang ginagawa naming pampatulog bago kami humiga sa aming mga kama.
November 22, Saturday.
4:00 am. Naka-set ang alarm ng aking cellphone sa oras na iyon para gumising. Nag-saing muna ako bago ko gisingin si Sanzo.
5:15 am. Kumain na kami ng almusal ni Sanzo. Tig-dalawang pandesal na may palamang ham (na siyang ulam din namin sa binalot) at sabay inom ng gamot kontra biyahilo at chololate drink. Naligo na kami, nagbihis at naghanda nang umalis ng bahay.
6:00 am. Unang sakay namin sa jeep papuntang San Pablo Colleges and Medical Center. Tulad noong isang taon, doon din kami naghintay ng bus na sasakyan namin papuntang Maynila. Agad kaming nakasakay sa isang bus na naghihintay ng pasahero. Nagulat kami kung anong pelikula ang pinapanood sa loob ng bus - Quantum of Solace, courtesy of piniratang DVD. Hehehe. Habang biyahe ay nag-text na kami kina Jamibu, -KiRa- at JM. Bagamat maaga kaming nagising, hindi rin namin nagawang umidlip kahit mga kalahating oras dahil baka hindi umepekto ang gamot na ininom namin.
Bandang 7:30 am, nakarating kami sa unang siyudad sa Maynila, ang Paranaque City. Tapos sumunod ang Pasay, at lumampas kami sa una naming binabaang lugar noong isang taon - sa Ayala, Makati. Akala namin ay nakadaan na kami ng Ortigas nang makakita kami ng isang Robinsons branch. Pero nang nagtanong ako sa isa pang pasahero, wala pa daw kami sa Pasig. Ilang minuto na ang lumipas, nagdeklera na ang konduktor kung sino ang bababa sa Ortigas. Agad kaming tumayo ay lumapit na kami sa pinto ng bus. Ilang saglit pa ay tumuntong na ang aming mga paa sa Ortigas, Pasig City.
7:45 am, unang nasiyalan ng aming mga mata ang makasaysayang EDSA Shrine. May misang nagaganap sa loob nito. Sa tulad naming unang makatunton doon, sinong mag-aakalang doon naganap ang EDSA 2 at EDSA 3? Naroon din pala ang hinahanap naming Robinsons Galleria. Sandaling minuto lang kami nag-libot upang hanapin ang McDonalds branch. Magte-text sana kami kay Jamibu nang makita siya ni Sanzo at agad namin siyang inapproach. After few minutes ng pag-uusap ay nakapasok na kami ni Galleria dahil nasa loob nito ang McDo branch. Sinagot ni Jamibu ang aming ikalawang almusal na pancake at hot chocolate Aaminin ko, mainit pa ang tsokolate kaya napaso ang dila ko pero hindi ako nagpahalata! Hehehe. Nagchikahan muna kami sa mga nangyayari sa anime at sa bansa.
Bandang 9:00 am, nagpasya na kaming muling sumakay, this time papunta nang Silver City. Medyo nalito kami kung saang jeep kami sasakay. Pero sa pagtatanong ni Jamibu sa mga drayber ay nakahanap kami. Ilang minuto lang ay nakababa na kami sa harapan ng Fonterra Verde, kung saan doon matatagpuan ang Tiendesitas, SM Hypermart at yun ngang Silver City. Medyo mahabang lakaran ang aming tinahak bago namin narating ang aming target place.
Maraming tao na agad ang nakapila sa lugar, pero masasabi kong tama lamang ang dating namin. Agad naming nakita ang kasama namin sa ZOH na si Moonlight Bomber, dahil sa binanggit niya sa kanyang blog na bitbit lang niya ang isang sign. Narinig naman namin mula sa isang security staff ng ABS-CBN na ipinagbabawal ang pagdadala ng baong pagkain sa loob ng gusali. Akala namin, kami lang ang magkaka-aberya sa sitwasyong iyon. Pati para si Moonlight, may bitbit din. Ipinagkatiwala na lang niya ang food stuffs kay Sanzo na siyang naiwan sa aming pila.
After around 30 minutes, umusad na ang pila ng mga tao at madali kaming nakapasok sa convention area. Tulad ng nabanggit ko kanina, tama lang ang dating namin sa Silver City. Dahil nakakuha na rin ako ng H3 2008 poster sa mismong registration area.
Una kong pinuntahan ang Dubbing Booth ng Creativoices, pero wala pang masyadong tao. Kaya binalikan ko ulit ang entrance sa harapan. Marami pa ring tao sa pila at hindi ko makita si Sanzo. Binalikan ko ang Dubbing Booth. Habang nag-aayos ako ng gamit ay may tumapik sa akin. Yun pala si Sir Pocholo Gonzales, ang may-ari ng Creativoices Productions at isa sa mga dubbing directors ng Hero TV. Malamang ay na-recognize agad ako dahil sa Hot FM shirt. Nag-usap kami ng ilang sandali at sumunod naman sa akin si Jamibu.
Nang bumalik na ako sa entrance sa harapan ay nadatnan ko si Sanzo na mukhang makakapasok na. Pinahirapan ko daw siya. Hindi ko naman siya masisisi. Kinain na daw niya ang parte niya sa binalot.
Balik ulit kami sa Dubbing Booth upang magpakuha ng litrato kay Sir Cholo, at hindi naman kami nabigo (Pero ang kuha ni Sir Cholo at ni Sanzo ang narehistro sa aming film! Di na bale, malamang si Sir Cholo ay may kuha namang litrato sa amin).
Nakuhanan naman ako at si Moonlight ng litrato ni Sanzo. Medyo nahirapan kami sa paghahanap ng mga astiging mga cosplayers. Pero nakatiyempo kami ng malaking pagkakataon dahil pinapunta kaming tatlo sa 3rd floor ng Silver City, sa mismong mobile at main control booth ng H3. Agad naming nakita si Sir Cholo at agad kaming nakatawid sa "orange line". Oras na kasi para sa Dubbing Competition na hawak nina Sir Cholo at ng Creativoices.
Mula sa itaas ay malapit naming natatanaw ang stage ng H3. Ipinakilala ng mga emcees si Sir Cholo bilang organizer ng naturang contest. Nag-iisa namang judge si Mr. Danny Mandia, na binigyan ng tribute ng Creativoices sa pagtatapos ng contest. Sa 20 contestants na lumahok, dalawang boys ang nag-stand-out. Pero nang dumating sa final five ay hindi sila nakaporma at isang babaeng contestant ang nagbigay-kulay sa kanyang sariling dialogue sa isang eksena sa Naruto.
Pagkatapos ng dubbing contest ay bumaba na sa control room si Sir Cholo at sumunod na ako, si Sanzo at si Jamibu papuntang stage. Inanunsyo naman ang mga unang nanalo sa raffle, kabilang si Jamibu sa mga nanalo. Ilang minuto ang nagtagal ay paparada na ang mga kasali sa Ohayoo Hero Cosplay Competition at ang batang babae na nag-cosplay na si Azmaria ng Chrono Crusade ang nag-stand-out sa lahat dahil sa kanyang pagkanta ng mismong character song na kanyang ginagampanan.
After these moments ay lumabas muna kami nina Sanzo at Jamibu para makahinga dahil sa dami ng taong nanood ng mga batang cosplayers. Nakatanggap ako ng text mula kay JM na nagsasabing parating na siya sa Silver City. Natuwa kami at makikita na namin siya ng personal. Makalipas ang ilang minuto at palitan ng text ay nagkita rin kami. Agad ko siyang dinala sa Dubbing Booth at muling nagkita sina JM at Sir Cholo. Kodakan ulit kami, at kumuha naman si Sir Cholo ng video gamit ang kanyang kamera. Todo ang pa-kwela namin sa harap ng kanyang videocam.
Nasa gitna ulit kami ng mga anime fans nang muli kaming inapproach ni Sir Cholo. Muli kaming kukuhanan sa kanyang videocam. This time ay nagpakitang-gilas ako at mala-reporter akong nagbalita sa mga pangyayari sa loob ng Silver City. Medyo nag-uutal pa ako habang nagsasalita. 4 minutes ang ibinigay sa akin. Pero nakahirit ulit ako ng isang minuto dahil nakapanayam ko si Mr. Benjie Dorango, isa ring dubbing director. Nagkamali na ako sa aking sinabi sa harap ng kamera ni Sir Cholo dahil sa ikli ng "interview" ko kay Sir Benjie. Malamang ay naaalala ko ang pamilya namin sa San Pablo City.
Hehehe, bago ko pala makalimuitan ay sinubukan din namin ni Sanzo ang Kapamilya Deal or No Deal mobile game. Muntik na akong manalo ng 2 million pesos kung hindi ako nag-deal. Bagsak din ang laro ni Sanzo. Ilang minuto din akong nag-internet gamit ang Astone PC na inilaan sa mga dumalo. Naging excited din ang AMPED Tournament na ginanap sa harapan ng hilera ng CSCentral, ABS-CBN Licensing at Dubbing Booth.
Balik ulit ako sa stage para sa League of Heroes Cosplay Competition. Karamihan sa mga kalahok ay pinalakpakan, pero talagang nag-stand out sa ikalawang pagkakataon si Hard Gay. Umani rin ng hiyawan at palakpakan ang nag-cosplay na Vincent (Hiei) ng Yu Yu Hakusho at ang agaw-eksena - ang nag-cosplay bilang si Barack Obama, ang susunod na presidente ng Amerika. Nanguna ang isang emcee sa pagsigaw ng "Obama! Obama!".
Bandang 7:00 pm, nakaramdam na rin kami ng matinding pagod ang ZOH team. Nagpasya na kaming tuluyan na kaming lalabas ng Silver City ng 7:30 pm. Nag-text ulit kami kay JM at mukhang busy pa siya sa paghahanap ng mga cosplayers. Pero bago pa naman ang takdang oras ay muling nagtipon kaming apat.
7:30 pm. Bago pa man naming lisanin ang lugar ay nag-photo up kaming apat sa harap ng H3 logo sa may entrance "for one final detail". Nilakad namin ang buong Fonterra Verde at mahabang lakaran bago kami sumakay ng jeep pabalik sa Robinsons Galleria.
Bumalik ulit kami nina Sanzo, Jamibu at kasama si JM sa McDo para kumain at magpahinga sandali. Pinag-usapan ulit namin ang mga naging sitwasyon sa anime sa bansa. Kahit ang Otaku's Verdict ay pinag-usapan namin.
Bandang 9:00 pm, inakala namin ni Sanzo ay makakahanap kami ng bus na sasakyan pabalik ng San Pablo City. Pero mukhang kailangan naming pumunta ng Cubao para doon sa mismong bus terminal kami maghanap ng masasakyan. Nakalimutan na naming mag-paalam kay JM na tumuloy na sa kanyang uuwian. Mahabang lakaran ulit ang dinaanan naming tatlo hanggang sa makarating kami sa bus terminal. Mabuti na lang at nakahanap kami ng masasakyan. Umusad na ang bus at sa bintana na kami nagpasalamat kay Jamibu sa kanyang kabutihan sa amin sa araw na iyon.
Muntik na kaming hindi makababa sa tamang daan sa San Pablo City kung hindi namin napansin na lumampas na pala kami sa 7 Eleven branch na siyang pinagsakyan namin ng bus papuntang Maynila kaninang umaga. Nagpasya na kaming bumaba at tahakin ang daan pauwi nang naglalakad.
Miryenda (midnight snack) muna kami ni Sanzo sa isang tindahan. Softdrinks at hopia ang aming binili. Bago sumapit ang 12:30 ng madaling-araw ay nakarating din kami ng bahay.
Sa ngalan ni Genjo Sanzo ay nagpapasalamat kami sa mga sumusunod at naging matagumpay ang aming isang buong araw na H3 experience. Mula sa mismong H3 premises, hello at thank you kay Mr. Pocholo Gonzales na very accomodating everytime na dumadaan kami sa kanyang Dubbing Booth, sa pagbibigay sa amin ng "exclusive pass" sa H3 mobile at main control room, at pakikipagkulitan din at sa amin. Mula sa inyong lingkod ay nagpapasalamat din ako sa kanya at inappoint niya ako bilang Head Moderator ng Hero TV Ning Site. Hello din at maraming salamat din kay Mr. Benjie Dorango na kahit isang minuto ko lang siyang nakapanayam ay napaka-cool pa rin niya. Isang malaking karangalan para sa amin nina Sanzo ang makilala at maka-usap ang dalawang magaling na dubbing directors. Hello din at maraming salamat sa mga astigin na mga cosplayers na handang maglaan ng sandali para makipag-kuhanan ng litrato sa amin sa (lalo na sa mga makukuwela diyan at higit sa lahat, ang Hard Gay na dalawang sunod na taon nang kasama ni Sanzo sa picture!)
Higit sa lahat, hindi posible ang aming H3 tour kung hindi sa tulong at suporta ng ZOH co-administrator na si Jamibu na siyang sumagot sa aming pamasahe papunta sa Silver City, pabalik ng Robinsons Galleria at sa Cubao, Quezon City, mga tickets at ang aming late breakfast at hapunan. Hello din at thank you din kay Moonlight Bomber at agad namin siyang nakita at nakilala dahil sa kanyang dala-dalang sign. Hello at salamat din kay JM na sa wakas ay nakalabas din ng kanilang bahay upang minsang makadalo ng anime convention katulad nitong H3.
In the end, kaming mga ZOH High Five ang nagkita-kita at nag-enjoy sa isang araw ng H3. Sayang, kung nakasama namin sina tetsu at ascoth, malamang na ZOH Lucky Seven kami. At kung nadagdagan pa si -KiRa-, siguradong ZOH Great Eight kami doon.
Hanggang sa susunod na Hataw! Hanep! Hero 2009 (kung kailan at saan ito gaganapin) at sana ay muli kaming makapunta.
No comments:
Post a Comment