Thursday, October 01, 2009

Hero TV's Change of Heart. Panalangin para sa mga Nasalanta ni Ondoy.

Sino ang dapat pasalamatan sa pagdesisyon ng Hero TV sa pag-urong ng petsa at lugar ng pagdadausan ng kanilang anime event - ang Heronation?

Una, ang bagyong Ondoy. Hindi natin mapagkakailang marami ang namatay, nasalanta at naapektuhan sa dumaang bagyo, lalo na sa Maynila. Pero dahil kung hindi nga naman dadaan ang bagyo sa direksyon ng Maynila, malamang na ipagpipilitan pa rin ng Hero TV na ganapin ang Heronation sa SM Marikina sa November 7.

Pangalawa, ang Hero TV mismo. Masasabi kong salamat na lang at sila ay nagising sa kanilang pagkakatulog. Dahil sa kanilang naging desisyong i-urong ang petsa at lugar ng Heronation, hindi lang naisalba ng Hero TV ang kanilang sarili sa matinding kompromiso, kundi isinalba din ng Hero TV ang mga taong inaasahang dadalo sa kanilang anime event mula sa posibleng panganib na kanilang harapin kung mauulit ang katulad ng pagsalanta ng bagyong Ondoy sa Maynila, lalo na sa Marikina. Kung hindi pa naman sila nasindak sa mga video footages at pictures na nakunan ng ABS-CBN sa naging bagsik ng bagyo, ay malaking kalokohan na kung isasakripisyo nila ang kasiyahan ng mga dadalo kung gaganapin sa lugar na hindi na rin ligtas sa kung hindi man bagyo ay malaking baha.

Nangangahulugan din na hindi na nila kailangang makipag-tapatan sa Level Up! Live sa parehong petsang unang inanunsyo ng CSCENTRL sa kanilang Multiply site at maging sa karagdagang impormasyon na ibinigay ng Anime Alliance Philippines.

Tunay ngang ang mga naunang balita ng CSCENTRL at AAP ay nagbigay ng pagkagulat at pagkabahala sa mga katulad naming mga Pinoy anime fans.

Pangatlo, ang mga viewers at forumers ng Hero TV. Kung hindi sa kanilang walang takot na pagbibigay ng mga reaksyon, pagpapakita ng walang interes sa pagpunta at pagtutol sa naging petsa at lugar ng pagdadausan ng Heronation, malamang ay hindi magbago ng isip ang Hero TV sa mga bagay na ito. Well, naging tulong na rin ang bagyong Ondoy sa kanilang mga panawagang i-reconsider ang pagdaos ng Hero TV event sa naunang ibinalitang petsa at lugar ng CSCENTRL.

For the record, hindi namin kinakalaban ang Hero TV sa balitang ito. Ang aming mga sinasabi dito ay base sa obserbasyon ng aming mga kasamahan, maging ang mga pahayag ng iba pang mga Pinoy anime fans kaugnay nga ng pagpili ng Hero TV sa SM Marikina. Nauna na naming nasabi na kahit sa sinasabing Cyberzone area o kahit upahan pa ang 2 floors ng SM Marikina ay hindi sapat na ma-accomodate ang minimum na 30,000 na mga dadalo sa taunang Hero TV event.

Base na rin sa sagot ng AAP, gaganapin sana ang Heronation sa "covered lot" ng SM Marikina na kasing-laki daw ng 2 halls ng SMX Convention Center na pinagdausan ng H3 2007. Pero base sa naging mga ulat, mukhang ang naturang lugar ay hindi rin nakaligtas sa bagsik ng bagyong Ondoy.

Inakusahan man kaming sinungaling ng CSCENTRL at AAP, tunay nga namang nakakagulat at nakakabahala ang kanilang mga iniulat. Mahalaga man sa ating lahat na makakalap ng balita at impormasyon. Kung kami ang tatanungin, kung makakuha man kami ng impormasyon, hindi namin agad ito inilalabas. Dahil naniniwala kaming kahit anong bali-balita at impormasyon ang naglalabasan sa katulad nitong internet, ang nasa mismong mga tao, grupo, kumpanya, TV network pa rin ang huling salita.

Sa kaso ng Hero TV at Heronation, una namin itong nalaman mula sa isa sa mga dubbers at dubbing director ng Hero TV na si Mr. Pocholo Gonzales, na sinabing Heronation na ang bagong pangalan ng anime event ng Hero TV. November 2009 at walang binanggit na lugar ang idinagdag ng dubber. Mula nang makuha namin ang impormasyon na iyon noong August 8, hindi pa namin inilalabas ang balitang ito hanggang sa lumabas nga ang news item mula nga sa Multiply site ng CSCENTRL noong September 7, halos isang buwan na ang lumipas mula nang makausap namin si Mr. Gonzales.

Tulad ng nauna kong sinabi, nagulat nga kami sa naging labas ng balita. Pero tulad ng aming ginagawang protocol, hayaan at hihintayin naming ang Hero TV na mismo ang mag-anunsyo. At noong ngang kasagsagan ng Cosplay Mania 2009, napanood ng kasama kong admin sa ZOH na si Jamibu ang teaser ng Heronation, na sinasabing November 2009 at wala pang binabanggit na lugar. Parehong-pareho ng ibinigay na impormasyon sa amin ni Mr. Gonzales.

Tulad ng naging sagot ng AAP sa amin, tunay ngang inconvenient ang naging maagang anunsyong ito. Pero dahil nagpaumanhin sila sa amin dahil inaasahan nga nila ang pagliligalig ng mga nakabasa sa balita, buong puso namin itong tatanggapin.

Kung pag-aakusa man ang ginagawa namin sa CSCENTRL, ito ay dahil sa hindi nga naman magandang petsa at lugar na pagdadausan ng Heronation. Kung magagawa nga naman ng Hero TV na talunin ng kanilang matinding effort ang maintrigang lugar sana ng pagdadausan, malamang na tanggapin pa namin. Come to think of it, with a date like November 7 and a place that is NOT commonly known for conventions/events, how Hero TV can compete with Level Up! Live that will be held at a bigger World Trade Center?

I will give Hero TV a round of applause. Even better, a standing ovation. Sa aking pananaw, ito na siguro ang pinakamagandang desisyon na kanilang ginawa mula nang sila ay maglunsad noong 2005. Mas isinaalang-alang nila ang kaligtasan ng mga dadalo (dahil nga sa naging bagsik ng bagyong Ondoy), at ang kasiyahang posibleng mas maranasan ng mga event goers. Sana naman sa kanilang pagbabagong-isip ay ilagay na sa tamang petsa at tama, komportableng lugar ang Heronation. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging kasiya-siya ang mga pupunta kung ito ay inyong gagawin.

Mabuti na lang, mas nangibabaw ang aming protocol. Sa bandang huli, Hero TV pa rin ang magsasabi kung saan at kailan gaganapin ang Heronation. Saka na kami susunod na magbibigay ng karagdagang impormasayon. Ang sa amin lang, ayaw naming malagay sa matinding kompromiso ang aming mga ilalabas na balita. We let the people behind the news speaks before we follow.

~~~~~~~~~~

Sa pagkakataong ito ay nakikiramay po ako sa lahat ng mga nasalanta ng bagyong Ondoy.

Tunay ngang maraming namatay, nasalanta at naapektuhan ang iniwan ng naturang bagyo.

Ito na talaga ang matinding epekto ng Climate Change at Global Warming.

Pero sa halip na magturuan at magsisihan kung sino ang dapat managot sa mga nangyari ay umpisahan muna nating ibangon ang mga kababayan nating mas kailangan ngayon ng tulong.

Ipaabot sa mga kinauukulan ang inyong tulong na maaari ninyong ibigay. Regardless kung saan ninyo ito dalhin, makatitiyak kayong makakarating ito sa mga mas nangangailangan.

Ipinapaabot ko sa kanilang lahat ang aking maikling panalangin na sana ay makabangon tayo sa matinding pagsubok na ibinigay sa atin ng Poong Maykapal.

Panginoon, pagpalain po Ninyo ang bansang Pilipinas.

1 comment:

Unknown said...

Hero TV is awesome! nice post! -mga naglalakad na tv :) http://bit.ly/bOhJQl