Nasabi ko na sa blog entry ko na malapit na kaming bumalik ng kapatid ko sa radyo. Sa loob ng buwang ito ay mapapakinggan na ulit kami sa San Pablo City sa pamamagitan ng Radyo Natin 106.3 FM.

Pero ang masama nga lang, kailangang palitan namin ni brother Genjo Sanzo ang aming mga pangalan sa ere bilang DJ. Noong una ay hindi ko madaling tanggapin, pero kung para sa aming pagbabalik sa radyo, talagang kailangan naming mag-isip ng bagong pangalan.


Pero hindi pumayag ang mga kasama ko sa ZOH na sina theBlocker at -KiRa-YaMaTo-. Pagkabasa nila ng blog entry ko ay tinawagan na agad kami kinahapunan. Hindi raw pwede ang ipinapagawa sa akin ng MBC at ng station manager ng Radyo Natin 106.3 FM San Pablo City. Karapatan ko daw bilang DJ at broadcaster na tulad ko na panatilihin ang aming mga pangalan at pagkakakilanlan kung saan ako madaling tandaan ng mga naging tagapakinig namin at kung saan kami kilala at sumikat.

Since 1999, matagal ko nang inalagaan ang pangalang Anime Kabayan. Kahit wala pang ZOH at Hot FM noon, gamit-gamit ko na ito. Ang aking Hotmail account ang siyang ebidensya ng aking identity.

Ang sabi sa akin ng station manager ng Radyo Natin 106.3 FM San Pablo City, na ini-relay lang daw sa kanya ng MBC, kailangan ko daw palitan ang aming pangalan sa ere at baka hindi ako bigyan ng airtime sa radyo. Ang idinahilan ng MBC sa kanya ay… sa gamit naming identity at sa aming pagkatao ay ayaw na ayaw ng MBC sa anime, dahilan na sa tingin ko ay napakababaw lang at hindi na dapat patulan at seryosohin ng mga taong nasa loob ng kumpanyang nirerespeto sa larangan ng radio broadcast sa Pilipinas.

Sa halip na ipagtanggol ng station manager ang aming identity at pagkatao ay parang nakikipagtuos pa siya sa kabulastugan ng MBC laban sa amin dahil lamang sa aming pangalan at pagkatao.

Ang sabi naman sa akin ng naging katrabaho ko sa Hot FM noon, huwag ko na daw i-apila ang sitwasyon namin. Pakisamahan ko na lang daw ang station manager at baka mawalan pa ako ng trabaho bago pa man kami makabalik sa ere.

Dapat umiral ang aming karapatan sa malayang pamamahayag ng aming pananaw at opinyon at sa pagbibigay-kasiyahan at aliw sa aming mga tagapakinig sa kabila ng aming pagkakakilanlan at pagkatao. Hindi puwedeng gawing dahilan ng MBC at ng station manager ang pagiging anime fanatics namin.

Idinulog ko na ito sa KBP, hindi sa puntong nagrereklamo ako kundi sa puntong idinulog ko lang ang sitwasyon namin, nagtatanong kung tama ba ang ginagawang ito ng MBC sa amin.

Kung mapapag-alaman ng KBP na mali nga ang ginawa nila sa akin, malamang na irekomenda nilang magreklamo ako. Sana ay tulungan ako ng KBP na panatilihin ang identity namin at trabaho namin kung doon hahantong ang lahat.