Sinong mag-aakalang ang isang miyembro ng House of Representatives ng ating bansa ay magbibigay ng pahayag na sinusuportahan niya ang pagpapalabas ng Japanese anime sa ating bansa at nagbibigay ng kumpiyansa sa mga mahahalagang elementong ipinapakita ng bawat anime series na ipinapalabas sa mga TV networks?
Kamakailan lang, si Gilbert Remulla, ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Cavite ay nag-organisa ng isang fund-raising paint ball competition na sinalihan ng kapwa niya kongresista, artista at mga taga-media. Ang nalikom sa naturang kumpetisyon ay ibibigay sa Gawad Kalinga, ang institusyong ito na kilala sa pagpapatayo ng mga bahay para sa mga mahihirap, partikular na sa mga nasalanta ng kalamidad.
Sa naging pahayag ni Remulla sa Hero TV na siyang nag-cover ng naturang event, sinabi ni Remulla na hindi dapat matakot at mabahala ang mga magulang sa panonood ng kanilang mga anak ng Japanese anime dahil sa kabila ng mga maaksyong mga eksena mula sa karamihan ng mga anime na ipinapalabas dito, may katumbas at kaakibat na moral and life lessons ang mga ito. Katulad ng Hero TV, sinusuportahan ni Remulla ang mga aktibidad (tulad ng kanyang inorganisang fund-raising paint ball competition) na humuhubog sa kakayahan at kumpiyansa ng mga kabataan, maging ang mga programa sa telebisyon (tulad ng mga Tagalog-dubbed Japanese animes na una niyang ipinahayag) na nagbibigay ng makabuluhang aral sa moralidad at buhay sa mga manonood nito.
Sana maging katulad ng iba pang mga pulitiko si Remulla sa pagbibigay ng suporta at kumpiyansa sa pagpapalabas ng Japanese anime sa bansa. Sa halip na tingnan nila ang umano’y bayolenteng mga nilalaman nito ay sikapin nilang silipin at unawain ang mensahe, prinsipyo at kung ano ang ipinaglalaban ng mga anime heroes. Karamihan ay nagpapakita ng tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan, kahalagahan ng pagkakaibigan, pagpapahalaga sa kapwa, sa kaibigan, sa pamilya at maging sa bayan. Sa mga sports anime naman, malinaw lang na ipinapakita dito ang halaga ng teamwork, tamang paggamit at pagsagawa ng mga istratehiya upang manalo sa bawat laro at pagtanggap ng pagkatalo.
Magsilbing hamon ito sa mga magulang na kasalukuyang natatakot at nababahala sa patuloy na pag-usbong ng industriya ng anime sa ating bansa. Sa halip na sisihin ang anime sa kung anong negatibong pagbabago ng kanilang mga anak ay maging instrumento at laging gabayan ang mga bata sa panonood. Dagdagan na rin nila ng paglalahad kung anong moral lessons ang makukuha nila sa pagtutok ng pakikibaka ng mga anime heroes.
Maging hamon din ito sa MTRCB, mga conservative groups na patuloy na tumutuligsa sa magandang adikhain ng bawat anime na palabas sa telebisyon. Para sa MTRCB, huwag sana silang maging one-sided o bias sa pagtugon sa mga umano’y reklamo ng iilang mga manonood na may kaugnay sa anime. Para sa mga konserbatibo, isuko na lang nila ang kanilang paninira sa anime. Maraming isyu na di hamak na mas mahalagang tutukan ng mga ito kaysa pag-aksayahan ng panahon sa pagbatikos sa anime.
Higit sa lahat, maging hamon din ito sa mga TV networks at mga dubbers. Maging masinop sa pagkuha, pagda-dub at pagpapalabas ng anime sa kanilang mga channels. Huwag padadala sa ilang empleyado na nag-uudyok sa mga puno ng Entertainment, Foreign Programs Acquisition at Programming departments na gumawa ng mga hakbang laban sa anime.
Para kay Mr. Gilbert Remulla, kaming mga Pinoy anime otakus ay labis na natutuwa sa inyong maikli pero makabuluhang pahayag. Dapat kang tularan ng iba pang mga pulitiko.
No comments:
Post a Comment