Kung napanood ninyo ang Wish Ko Lang ng GMA 7 last Saturday, malamang ay nakita ninyo kung paano tinupad ng programa ang kahilingan/pangarap ng isang anime fan na sumapit sa kanyang ika-18 taong gulang. Binigyan siya ng "anime-themed" na debut party, kasama ang piling mga cosplayers. Binigyan din siya ng scholarship grant, libreng art/animation workshop, isang kumpletong computer set, at ang kanyang isang obra maestra ay binigyang-buhay ni Renee Salud (kung tama man ang intindi ko dito) na siya rin namang isinuot ng debutanteng anime fan.
Pagkatapos kong mapanood ito ay may mga reaksyon akong narinig na mukhang na-"degraded" o bumaba na naman ng GMA 7 at malamang ng mga nakapanood nito ang tingin sa mga cosplayers at malamang sa mga anime fans in general. Pero mukhang nasiyahan naman ang mga involved cosplayers sa kanilang ambag sa pagtupad ng kahilingan ng kapwa nila anime fan.
Wala akong sasabihing anumang masama sa GMA 7 o sa Wish Ko Lang o kahit sa debutanteng anime fan. Hindi naman isyu sa akin kung paano tinupad ng GMA 7 at ng mga taong nasa likod nito ang wish ng anime fan. Masaya ako sa kanya na natupad din sa wakas ang kanyang munting pangarap. Hiling ko ang ikatatagumpay ng kanyang buhay... bilang anime fan.
Isantabi na natin ang Wish Ko Lang, ibaling natin ang ating mga mata sa GMA 7 mismo. Tulad ng sinabi ko, hindi isyu ang ginawa ng GMA 7 sa pagtupad sa hiling ng isang anime fan. Para sa akin, mas malaking isyu dito ang kakayahan ng GMA 7 na gawin ang isang bagay o gawin ang maraming bagay.
Bakit naging malaking isyu ito? Kung titingnan ninyo ang naging takbo ng GMA 7 (maging ang QTV 11) nitong mga nakaraang araw, makikita talaga ang malaking pagkakaiba sa ginagawa ng network sa kanilang mga programa.
Kung kakayahan rin lang ang pag-uusapan, huwag na tayong lumayo. Tingnan ang pagkakaiba ng mga Asianovelas sa takbo ng anime programming ngayon. Bagamat pantay lang ang dami ng mga animes at Asianovelas araw-araw (4 bawat isa), kitang-kita naman na napapag-iwanan na ang anime programming. Halos buwan-buwan ang may bagong Asianovelas silang pinapalabas samantalang ang mga animes ay bihira lang maglabas ng mga bagong shows. Suwerte na kung bago sa Philippine TV, pero saksakan na ng kamalasan kung isa na namang gasgasing title na naman ang isasalang.
Maliwanag dito na inilalaan ng mga nasa GMA 7 ang higit nilang kakayahan sa panig ng Asianovelas at mukhang lelembot-lembot yata sila kapag anime na ang kanilang tinatrabaho. Mula sa mga program commercials, dubbing, lahat na siguro. Inilalaan na yata sa Asianovelas ang lahat ng talino, diskarte at iba pang kakayahan para lang pumatok ang kanilang mga gawa.
Malamang na inuudyukan na naman ng nakatataas sa kanila na huwag nang gumawa ng proyekto na anime ang invloved.
Kahit anong ganda ng sistema sa loob ng isang TV network, may mga tao sa loob ng bawat departamento na walang-wala sa ayos. Mula sa Programs Acquisition, Dubbing, Commercial materials, kahit sa iGMA.tv forums. Naging biktima ako ng kanilang pambabara at pagmumura. Ang mga moderators na abusado sa kanilang kapangyarihan upang ipagtanggol ang kanilang interes at ang mismong network.
Kung may kakayahan ang GMA 7 (through Wish Ko Lang) na gawin ang mga bagay na iyun para sa isang anime fan, magagawa din kaya nilang maglaan ng kanilang kakayahan para sa kasiyahan ng mas nakararaming mga anime fans? Kung ang isa ay isang pangarap, kami naman ay mga di hamak na mas simpleng kahilingan. Alam nyo na siguro ang mga iyon. Ilang ulit na naming sinasabi iyan, nasa inyo na ang aksyon.
It's all about GMA 7's capability of doing a thing. I hope they will do the same thing for all anime fans/viewers.
No comments:
Post a Comment