Lumalaban kami ngayon para ipaglaban ang sa tingin namin ay tama at nararapat… Mga bagay na kahit sinong nakakakilala sa amin ay hindi maipagkakaila ang aming pagkakakilanlan… ang aming pinagmulan… ang aming pangalan… ang aming apelyido.

Sa pagkakataong ito, patunayan sana ng aming mga kapatid na tunay silang nagmamalasakit at nagmamahal sa amin pagkatapos ng mga matitinding pagsubok na aming hinaharap. Isantabi na sana nila ang kanilang ipinagmamalaking yaman, katalinuhan at ng mga taong sila ay iniimpluwensiyahan upang mapayapa at maayos na maresolba ang isang isyu na sa kanilang panig ay gusto na nilang tuldukan, malamang na para sa ikagaganda ng relasyon naming magkakapatid… o mitsa para kami ay unti-untiing patayin ng kanilang pera, pinag-aralan at ng mga taong nakapaligid sa kanila.

Maliwanag sa lahat ng tao na nakakakilala sa amin na ako, si Marlo, ang aking kakambal na si Carlo at ang aming nakakatandang kapatid na si Airene ay dala-dala namin ang apelyidong MAGTIBAY. Isang bagay na hindi ito tanggap ng ilang tao, lalo na ang mga naghahangad ng aming kapahamakan. Ang ilan man ay malayo sa aming kasalukuyang tinitirhan ay minumulto kami ng kanilang pansariling interes at hindi ang kapakanan ng mga katulad naming kailangan na kailangang makabangon matapos ang sunud-sunod na mga trahedya. May mga ilang tao rin na mula sa burol ng aming ina ay araw-araw nang ginawa ng Diyos na kami ay inisin, buwisitin at pagbantaang wala na kaming puwang sa aming lugar, dahil lamang sa aming mga kahinaang pinansyal, moral at emosyonal. At kahit pagkatapos ng libing ay hindi na kami tantanan ng mga pananakot na ito, sinasamantala ang aming pagluluksa at pangungulila upang maisakatuparan na ang kanilang pagnanasang sirain ang aming mga buhay.

Ang sa akin lang, kami ay bigyan ng mahaba at sapat na panahon upang kami ay makabangon. Hindi sapat ang aming mga pagsisikap upang makuha ninyo ang mga hinahanap ninyo sa amin. Kung tutuusin, dapat ay sama-sama tayong gumawa ng mga paraan upang kami ay hindi tuluyang bumagsak sa mga kamay ng mga taong gusto kaming mapahamak.

Kung tutuusin, may sarili na silang mga pamilya at mga tirahan. Bakit sila maglalaan ng panahon, pera at ng sobrang pag-abuso sa kanilang pinag-aralan para sirain lang ang aming buhay at ang pundasyong amin nang kinalakihan sa loob ng halos 30 taon? Mukhang hinihintay lang nila na mamatay ang aming mga magulang upang maisakatuparan na ang kanilang mga masamang hangarin sa amin. Kung sa kakapusan ng pera ay hindi namin nagawang mailigtas o pahabain pa ang buhay ng aming ina, paano pa kaya na ang kanilang maraming pera ay hindi pa rin kayang mailigtas o mapahaba ang buhay ng kanila at amin ding ama? Kung tunay silang mga kapatid, maaari nila kaming hayaan sa aming mga ginagawa upang maipagpatuloy naming ang aming tahimik na buhay.

Pinupulitika na rin kami, at sana huwag silang maimpluwensiyahan nito upang makabuo ng hindi tama at hindi makatarungang desisyon na ang nakataya ay ang aming buhay ay pamumuhay. Kung tunay na handa sa gawaing paglilingkod sa aming bayan ang mga taong naghahangad na makaupo sa puwesto sa aming lokal na pamahalaan, pairalin sana ang lambot ng kanilang mga puso at hindi ang kapangyarihan ng pera, pag-abuso sa kanilang katalinuhan at pinag-aralan, at galit at poot sa kanilang kalooban, bagay na wala naman kaming kinalaman sa kanilang rigodon.

Kung hindi papanig sa amin ang kanilang pag-uusapan at kanilang magiging desisyon, malamang na ilabas ito pagkatapos ng Semana Santa, para na rin kaming ipinako sa aming mga sariling krus. Wala na kaming ibang pagpipilian, gagamitin namin ang lahat ng aming mga nalalaman at katiting na karapatan bilang tao, bilang kanilang mga kapwa naming mga kapatid, bilang isa rin sa mga MAGTIBAY upang ipaglaban ang sa amin ay tama at nararapat. Oras na dumating ang araw na iyon ay mukhang hindi na namin maaasahan ang iba pa naming mga kamag-anak at kaibigan dito sa San Pablo City. Kung sino pa ang hindi namin kadugo, kamag-anak, kapamilya, ay sila ang tunay na nagmamalasakit, sumusuporta at tunay na nauunawaan ang aming mga nararanasan.

Hindi kami basta-basta matitibag sa kanilang mapag-uusapan at kanilang mapagdedesisyunan. Hindi agad mapatutupad ang kanilang binabalak sa oras na gusto nilang gawin ito. Kailangan pa nilang dumaan sa mahaba at tamang proseso para magawa kung ano ang kanilang gagawin. Kami rin, tatalima din kami sa tamang proseso, ito ang gagamitin namin para ipaglaban namin ang aming mga sarili.

At kung hindi sila lalaban ng patas, maaasahan ba nila kaming hindi rin lalaban ng patas? Tanging sila lamang ang makakasagot.

Ang ikagaganda ng relasyon naming mga magkakapatid ay nasa kanilang mga kamay. Hiling namin na ito ay walang impluwensya ng pera, pag-abuso sa pinag-aralan, mga taong naghahangad sa amin ng masama at mga taong nais pumasok sa madumi at magulong mundo ng pulitika na maaaring maka-apekto sa desisyong kanilang gagawin.

Hindi kami nagbabanta, sila ang nag-umpisa nito. At kung sila ang nag-umpisa, sana kami ang tatapos.

After these badmouthing, threats and madness we recieved from them, I hope and I know they realize… this means WAR.