Friday, May 14, 2010

Asan na ang Idaten Jump? Tengga Pa Rin!

Heto muna ang YouTube video noong June 10, 2007 kung saan ibinalita ng inyong lingkod sa ZOHNe TV Reports (ang aming web show ng Zen Otaku Honbu News TV) ang tungkol sa pagpapalabas sana ng GMA 7 ng isa sa kanilang bagong anime, ang Idaten Jump…






Noon namang Holy Week, year 2009, naglabas ang GMA 7 ng kanilang anime line-up na ayon sa kanila ay nakatakdang ipalabas ang mga ito sa loob ng taong 2009. Kabilang diyan ang Buzzer Beater, Shounen Onmyouji, Kekkaishi, Ryukenoo at kasama pa rin ang Idaten Jump.

Ngayon namang year 2010, noon namang Holy Week, naglabas ulit ang GMA 7 ng kanilang bagong anime line-up. Kaya lang, wala na sa kanilang linyada ang Idaten Jump. Heto ang YouTube video…



Ano ang gusto naming sabihin sa isyung ito? Tatlong taon na mula nang unang inanusyo ng GMA 7 ang pagpapalabas sana ng Idaten Jump. Pero hanggang ngayon ay nananatili pa ring nakatengga sa inaalikabok nang bodega ng GMA 7. Promising sana ang title na ito kung naipalabas na ito kaagad sa loob ng taong 2007. Pinagbigyan na nga natin ang GMA 7 nang isama nila ang Idaten Jump sa linyada nila noong Holy Week 2009. Pero isang buong taon na ang lumipas, eksaktong panahon pa ulit ng Semana Santa ay wala na naman tayong narinig na balita kaugnay ng Idaten Jump. (Bakit hilig ng GMA 7 na magpalabas ng kanilang anime line-up tuwing Holy Week?)

Bukod sa matagal nang nakatenggang Mazinger Z (11 years and still counting, unless totoo nga ang balitang ipapalabas na lang daw ito sa QTV 11, taliwas sa inanunsyo ng GMA 7 sa aming ikalawang ipiniresentang video), malabo na yata ang hinaharap ng Idaten Jump sa kamay ng TV network na nagpupumilit pa ring maging Anime Authority. Katunayan, naunahan na sila ng cable tv channel na Animax. Matagal na natin itong tinatanong sa mga kinauukulan.

Unang tinatakbuhan ng mga Kapuso anime fans ang online forums ng GMA 7. Pero sa estado ng site na iyan ay wala nang gana ang mga online users na maglaan ng panahon para mag-post doon. Ito ay dahil sa lantarang pagbabalewala ng mga administrators at moderators sa mga mensahe ng mga online users doon, mas higit pa sa mga Kapuso anime fans na umaasa pa ring makakahabol sa laban ang GMA 7 pagdating sa anime programming. Isama mo pa diyan ang pangungunsinti ng mga anti-dubs at anti-dubbers sa mga kapritsuhan ng mga online auhtorities doon.


Tulad ng aming huling tinalakay, wala na yatang balak ang GMA 7 na gumawa ng Facebook account para sa kanilang anime programming. Sa halip ay meron na ngang nakagawa ng FB page, pero sa negatibong perception. Naging tampulan na ng mga negatibong komento at sama ng loob, pero may mga nagmamalasakit at nag-aabot pa rin ng suhestiyon sa FB page na ito para sa mas ikabubuti ng GMA 7 anime block. Pero kung nakikita nyo naman, may mga matitigas pa ring ulo na mga GMA 7 anime defenders na wala na ngang argumentong maiharap, sa halip ay pare-parehong mga lingwahe o di kaya ay nililihis ang usapan upang maiwasang pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng GMA 7 sa anime programming nito.

Nais kong ipabatid sa inyo na kapag may magandang ginagawa ang isang TV network ay akin namang pupurihin. Pero kung hindi naman kagandahan o masama na o lumalala na ang lagay ng anime programming ay atin naman itong pinupuna, kinakalampag at binibigyang-suhestiyon upang matigil na ang kanilang mga maling ginagawa, bago pa ito lumala.

May mga paraan pa naman upang huwag masira ang tiwala ng mga Pinoy anime fans sa GMA 7. Maaaring bawasan ng 30 minutes ang Unang Hirit upang hindi na siksikan ang 4 na animes sa umaga na pinaghahatian ang 1.5 hours sa ere. Maaari din namang alisin na ang Bilib Ka Ba block upang paghatiin ng 2 animes kahit paano sa 45 minutes. Dapat ding ayusin ang schedules ng anime sa Sabado at Linggo. At marami pang mga suhestiyon at solusyon ang maaari pang ibigay ng mga Pinoy anime fans nang sa gayon ay pantay na ang laban ng ABS-CBN, TV5 at GMA 7 (sana pati na rin ang QTV 11 at Studio 23)

Tungkol pa rin sa Idaten Jump, ang nakarating sa aming impormasyon ay tapos na daw i-dub ang anime na ito. Nasa kamay na ng GMA 7 ang desisyon kung kailan ito ipapalabas. Pero sa sitwasyong ito, nasa kamay na ng GMA 7 kung ipapalabas pa ito sa channel 7, o sa QTV 11… o kung mas malala pa, baka hindi na ito maipalabas pa.

Sayang naman ang hirap na ginawa ng mga dubbers ng anime na ito upang gawin ang naturang proyekto. Hindi ba’t nararapat lang na suklian ng GMA 7 ang kanilang trabaho? Bakit hindi pa ito maipalabas?

No comments: