Dahil sa posibleng panganib at aberya na magaganap sa kauna-unahang nationwide automated elections, hindi puwedeng hindi ako (at si brother Sanzo) kikilos. Hindi puwedeng boboto lang ako. Kailangan ay AKSYON!

Sabado ng hapon (May 8), sa wakas ay nakalapit at sumali na rin kami bilang pollwatchers. Ilang araw bago ang eleksyon ay pinag-isipan na naming gawin ito. Gusto naming magkaroon ng thrill ang aming gagawing pagboto. Ibinigay namin ang aming mga pangalan, tirahan, school kung nasaan ang aming presinto at cellphone number para sa contacts. Binigyan kami ng ID at appoinment paper para pormal na kaming tawaging mga pollwatchers.


Masuwerte naman kami nang masaksihan namin ang final testing at sealing ng 3 PCOS machines sa aming mga presinto. Since malapit naman ang aming bahay sa lugar ng pagbobotohan, inusisa ko kaagad kung may nangyayari ngang activity doon. Nakumpirma ko naman iyon at agad kaming nagbihis ng maayos at bumalik kami sa aming polling place. Lampas 8:00 am na nang kami ay makapag-umpisa sa kabila ng iilan pa lang kaming mga pollwatchers ang naroon.

Lahat ng procedures ay ipinakita sa amin ng mga BEI members at amin naman itong nasaksihan. Wala namang problema kaya naging tuloy-tuloy na ang mga ginagawa. At dahil nga kaunti kaming mga pollwatchers, kailangan naming magpabalik-balik sa 3 presinto upang wala kaming ma-miss na mga procedures. Maging ang gagamiting BGAN satellite ay maayos namang na-install. Tumagal hanggang bandang ala-1:00 ng hapon ang final testing and sealing ng mga PCOS machines, battery at BGAN satellite. Wala pa kaming almusal ng time na iyon.

Pag-uwi sa aming bahay ay hindi na rin kami nag-aksaya ng panahon. Nag-ayos ulit kami at lumakad naman kami sa aming pollwatch headquarters. Doon na kami nakabawi sa pagkain (sabay almusal at tanghalian). Doon na rin kami nagstay. Maraming mga tao sa lugar na iyon, marami pang mga bagay ang nirerepaso bago umalis ang iba. 8:30 pm na kami nakauwi. Mabuti naman at maaga ang aming tawagan nina theBlocker, -KiRa- at PBN. Alam naming kailangan namin ng tulog, dahil kailangan pa naming gumising ng maaga dahil sa tungkulin naming bantayan ang buong proseso ng halalan sa Lunes.

May 10, 4:55 am. Una akong nagising. Nanood muna ako ng TV para makita ang gagawing election coverage ng ABS-CBN 2 at GMA 7. Hindi rin nagpatalo ang TV5 sa touchscreen at augmented reality (tama ba ako?). Sumunod namang gumising si brother Sanzo. Nagbihis na kami at umalis ng bahay 6:05 ng umaga.
Sa aming nakatokang presinto ay nagsagawa ng initializing ang mga BEI members. Maayos pa ring napatakbo ang PCOS machine. Handa na kami sa gagawing botohan. Pagkatapos nito, si brother Sanzo ang nakatokang pumunta sa aming headquarters para kunin ang aming almusal. 5 kaming pollwatchers sa aming lugar. Ako at si Sanzo sa isang presinto, dalawa sa isa pang presinto at isa naman sa huli.

Hindi pa man nag-uumpisa ay pila na agad ang mga botante sa aming nakatokang presinto. Lahat ay nagpapakita na interesado sila at gusto nilang makaboto gamit ang mga bagong paraan. Dahil sa mabilis na pagkilos ng mga BEI members, napuno kaagad ang mga upuan ng mga botante. Masuwerte din kami sa aming nakatokang presinto, dahil lampas 500 lang ang nakalistang botante. Sa loob ng 1.5 oras ay 100 balota na ang naipasok sa PCOS machines.

Dati ay maaga kaming pumupunta sa aming presinto para unang makaboto. Pero dahil sa naging pollwatchers kami, nagsalitan kami ng toka sa pagbabantay at sa aming pagboto. Pinauna ko si Sanzo. Mahaba ang pila sa aming presinto, nataon na doon ang pinakamaraming botanteng nakalista. Hindi rin maganda ang diskarte ng mga BEI sa aming presinto.

May mga na-encounter akong mga matatandang mga botante na kinailangan pa ng assistance ng kanilang mga kamag-anak. May isang matandang botante na lampas 15 minutes nang bumoboto pero may assist mula sa kamag-anak. Mukhang wala naman daw balak isabotahe ang botohan kaya hindi na sila sinita ng BEI.

Tapos nang bumoto si Sanzo kaya ako naman ang hahataw sa pagboto. Late namang kinain ni Sanzo ang breakfast niya. Kakainin ko naman iyon pagkatapos kong bumoto. Mahaba pa rin ang pila nang matapos bumoto si Sanzo. Nagtagal ng mahabang sandali bago ako nakapasok sa presinto. Mabilis naman akong nakaboto dahil may dala akong kodigo. Maayos namang tinanggap ng PCOS ang aking balota. Balik na ako sa pagbabantay sa halalan.

Lampas 11:00 am na at ako naman ang toka sa pagkuha ng tanghalian naming 5 pollwatchers. Sumilip muna ako sa TV sa mga latest news bago ako pumunta sa aming headquarters.

Nag-umpisa nang tumumal ang pasok ng mga botante mula 4:00 pm. Bago pa iyan ay napag-alaman naming na-extend ang botohan hanggang 7:00 pm sa utos ng Comelec. Matumal pa rin ang pasok ng mga boboto.
Lampas 5:30 pm na at nataon ulit ang aking shift para kunin naman ang aming hapunan. 6:30 pm na kami kumain para sa paghahanda sa automated counting, transmission ng mga resulta at sa pag-iimprenta ng mga ERs.

Sina Aquino at Binay ang nanalo sa aming nakatokang presinto. Nahirapan at natagalan ang mga BEI members sa pagtransmit ng mga resulta bago nakapag-imprenta ng ERs.

Bandang 9:00 pm na nang pormal na naming tinapos ang aming tungkulin sa aming nakatokang presinto. Sa buong araw, ay naging maayos at mapayapa naman ang naging takbo ng halalan.

Bumalik muna kami sa bahay para saglit na makapagpahinga. Inihanda na namin ang aming gagawing report at nakuha naming ER bago kami tumulak sa aming headquarters. Doon na kami bumawi ng lakas. Kumain ulit at nagmiryenda bago umuwi ng bahay.

Hindi ko na nakausap sa phone ang aming mga Ka-Honbu dahil sa sobrang pagod.
Sana maulit ito sa susunod na botohan, sa 2013… teka, lampas iyun sa 2012… heheh.